Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naghahanda sila para sa posibleng “mala-martial law” na lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y matapos kumalat ang isang internal memorandum ng Philippine Air Force hinggil sa nasabing usapin.
Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo, lehitimo ang dokumentong iyon kung saan pinaghahanda ang kanilang mga tauhan para sa mas mahigpit na implementasyon ng extensive enhanced community quarantine.
Gayunman, sinabi ni Arevalo na wala namang dapat ipangamba rito ang publiko dahil ito lamang ay batay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang nagbabala ang pangulo ng mala-martial law na lockdown kapag nagpatuloy pa rin sa pagpapasaway ang ilan sa quarantine.