Sinimulan nang ipatupad sa pamilihang bayan ng Parañaque City ang bagong sistema ng pamimili.
Layunin nitong malimitahan ang dami ng mga namimili na papayagang makapasok sa palengke para makontrol ang daloy ng tao sa loob nito.
Sa bagong ipinatutupad na sistema, ibabatay ang araw ng pamamalengke ng mga residente sa dulong numero ng kanilang hawak na quarantine pass.
Tuwing Lunes, hindi papayagang makapasok ng pamilihang bayan para mamalengke ang mga may hawak ng quarantine pass na nagtatapos sa numerong 1 at 2, bawal naman ang nagtatapos sa 3 at 4 tuwing Martes.
Habang bawal naman sa palengke ang mga may quarantine pass na nagtatapos sa 5 at 6 tuwing Huwebes, bawal ang 7 at 8 tuwing Biyernes at hindi naman papayagan ang 9 at 0 tuwing Sabado.
Itinakda naman ang araw ng linggo para sa mga mamimiling frontliners, persons with disability at senior citizen.