Tutulong na ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong lalawigan ng Cavite.
Ito ang inanunsyo mismo ni Cavite Governor Jonvic Remulla para matiyak aniya ang mahigpit na social distancing sa mga pampublikong lugar sa lalawigan.
Ayon kay Remulla, mas maghihigpit na rin aniya ang mga security forces sa paghingi ng mga quarantine passes ng mga residente ng Cavite na makikita sa mga lansangan.
Dagdag ng Gobernador, papasukin na rin ng mga pulis ang mga subdivision sa Cavite para makita kung nasusunod ang mga patakaran ng umiiral na ECQ.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na kanyang pupulungin ang lahat ng mga local government officials, pulisya at health officials sa Cavite para talakayin ang tinukoy niyang “vitamin-enriched” enhanced community quarantine.