Dedesisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung dapat pa bang ipagpatuloy, luwagan o dapat na itigil na ang umiiral na Luzon-wide community quarantine sa darating na Huwebes, ika-23 ng Abril.
Ito, ayon kay dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senador Christopher “Bong” Go, ay upang magkaroon ng sapat na oras ang publiko na makapaghanda anuman ang ipatutupad na mga pagbabago.
Ani Go, na kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ni Pangulong Duterte kasama ang mga health experts, masusi pang pinag-aaralan ng Pangulo ang mga impormasyon na nagmula sa mga dating kalihim ng Department of Health (DOH) at infestious disease experts.
Nagpahiwatig naman si Go na maaaring isang ‘modified’ o pagkakaroon ng kaluwagan sa umiiral na quarantine ang ipatutupad.
Isa aniya sa mga ikinokonsidera ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay ang pagluwag ng quarantine measures sa mga lugar na mababa o walang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang posible namang paigtingin pa ito sa Metro Manila kung saan naroon ang maraming kaso ng virus.
Dagdag ni Go, pupulungin muli ng Pangulong Duterte ang ilang miyembro ng IATF para makapagdesisyon ito.
Samantala, nakatakdang matapos ang pinalawig na enhanced community quaratine (ECQ) sa Luzon sa katapusan ng buwan ng Abril.