Patay ang isang umano’y enhanced community quarantine (ECQ) violator sa Quezon City matapos itong barilin ng isang pulis.
Kinilala ang biktima na si Corporal Winston Ragos, 34-na-taong-gulang at dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na siyang binaril ng isang pulis sa Maligaya Drive, Barangay Pasong Putik sa Quezon City.
Ayon kay Police Lt. Col. Jeffrey Bilaro, hepe ng Quezon City Police District Station 5, nagsisigaw umano si Ragos sa isang quarantine control point at sinasabi nito na miyembro siya sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kung kaya’t agad na inireport ng mga pulis ang insidente sa naka-duty na si Police Master Sergeant Daniel Florendo at kanya itong pinayuhang umuwi.
Pero nagmatigas si Ragos at akma pang bubunot ng baril sa sling bag nito na may kalibre 38 baril, kung kaya’t agad itong pinaputukan ni Florendo.
Naisugod pa si Ragos sa Commonwealth Hospital pero binawian din ng buhay.
Ayon naman sa mga saksi, may kundisyon sa pagiisip ang biktima at dumaranas ng “war shock” dahil sa naging trabaho nito.
Kaya naman, nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Commission on Human Rights (CHR) at Pambansang Pulisya na agad na magsagawa ng imbestigasyon sa aniya’y pang-aabuso ng mga tagapagpatupad ng batas.
Samantala, inilipat muna sa ibang lugar si Florendo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.