Pinarerekonsidera ng isang grupo ng human rights lawyers sa Philippine National Police (PNP) ang kautusang arestuhin ang mga lumalabag sa Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) ng walang kaukulang babala.
Sinabi ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na dapat ma-obserba ang batas at mga panuntunan hinggil sa pag-aresto at matiyak na napoprotektahan ang mga pangunahing karapatan ng mga taong nasa kustodiya nila.
Ayon pa sa FLAG, ang pahayag ni PNP Chief Archie Gamboa na wala nang babala kun’di diretso aresto na at kakasuhan ang mga lalabag sa ECQ sa pagpapatupad ng mga otoridad ng mas mahigpit na lockdown, ay nagbibigay sa mga pulis ng go signal na damputin ang ECQ violators ng walang dahilan.
Binigyang diin ng FLAG na ang paglabag sa ECQ ay magiging offense lamang kung mayroong batas o ordinansang nagpaparusa rito.