Problema sa transportasyon ang nakikitang dahilan ng Department of Agriculture (DA) kaya’t sumipa ang presyo ng tilapia at bangus sa National Capital Region (NCR).
Subalit pagtitiyak ni Agriculture Secretary William Dar, gumagawa na sila ng hakbang sa kagawaran kung paano maiibsan ang problema ng mga taga-Metro Manila ngayong pinalawig pa ang enhanced community quarantine hanggang Mayo 15.
Ayon sa kalihim, malaking bagay aniya ang paglalatag ng rapid pass system o virtual identification ng pamahalaan upang matiyak na mas madaling makapapasok ang suplay ng pagkain.
Una rito, tiniyak na ng pambansang pulisya na mabilis na makapapasok sa Metro Manila ang suplay ng pagkain mula sa mga lalawigan upang hindi magutom ang mga residente rito habang umiiral ang pinalawig na ECQ.