Umakyat na sa 80 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Bernard Banac, pumalo na rin aniya sa 95 ang bilang ng mga pulis na nasa ilalim ng probable case.
Habang nasa 567 namang pulis ang nasa ilalim ng suspected cases.
Kasunod nito, sinabi ni Banac na magpapatupad na rin sila ng mahigpit na bio safety plan sa lahat ng kampo ng pulisya sa buong bansa.
Kahapon, sinimulan na sa Kampo Crame ang pagpapalabas ng QR codes para sa mga pulis na nakatalaga sa national headquarters nito.
Layon nito ani Banac na maihiwalay ang mga nagpositibo sa rapid COVID test sa mga nagnegatibo.
Sakaling magpositibo sa testing, sinabi ni Banac na daraan ang mga ito sa mabusising tanungan habang kukuhanan lang ng temperatura ang mga nagnegatibo bago pumasok ng kampo.
Kasunod nito, muling binigyang diin ng PNP na walang ibang mabisang solusyon ang kailangang gawin ng publiko kung hindi manatili sa bahay upang maiwasang mahawaan ng virus.