Hindi na makatatanggap ng ikalawang bugso ng cash aid ang mahihirap na pamilya sa mga lalawigan na inalis na ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang ayuda ay ipagkakaloob na lamang sa mas maraming pamilya sa Metro Manila at iba pang lugar na nananatiling naka-lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nauna nang tinukoy ng pamahalaan ang 18-M mahihirap na pagkakalooban ng cash subsidy na mula P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan upang tulungan silang makabili ng pagkain makaraang mawalan ng mapagkakakitaan dahil sa lockdown.
Sa pagtaya ng Department of Finance (DOF) aabot sa ₱205-B ang gagastusin sa programa.
Ani Roque, ang pamamahagi ng ayuda ay lilimitahan na lamang sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at iba pang lalawigan na nananatili ang lockdown kasunod ng anunsiyo ni Presidente Rodrigo Duterte na palalawigin pa ito ng 15 araw.