Posibleng umabot hanggang 36 degrees celsius ang temperatura sa Metro Manila partikular sa Quezon City sa susunod na limang araw.
Ito ay batay sa pagtaya ng PAGASA bunsod pa rin ng nagpapatuloy na nararanasang maalinsangan na panahon dahil sa pag-iral ng easterlies sa silangang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon sa bansa haanggang ikalawang linggo ng mayo, bagama’t may posibilidad ng mahihinang pag-ulan sa hapon o gabi.
Samantala, naitala naman ang pinakamataas na heat index o init na nararamdaman ng katawan ng tao sa San Jose Occidental Mindoro, kahapon, na umabot sa 50 degrees celsius.
Sinundan ito ng Dagupan City kung saan naramdaman ang 46 degrees celsius heat index at mga lungsod ng Borongan, Cotabato, Sangley Point Cavite City at bayan ng Virac sa Catanduanes na pawang nakapagtala ng 44 degrees celsius heat index.