Umani ng kaliwa’t kanang batikos ang isang music video na ginawa ng Chinese Embassy dahil sa kontrobersyal na titulo nito.
Nilikha ang nasabing music video ng Chinese Embassy sa Pilipinas bilang pagbibigay diin sa matatag na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at ng China sa gitna ng pandemya sa coronavirus disease(COVID-19).
May titulo itong “iisang dagat” na kinathan ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na inawit sa wikang Tsino at Pilipino ng ilang kilalang mang-aawit sa bansa tulad ni Camarines Sur Vice Governor Imelda Papin at Chinese Dipolmat Xia Wenxin.
Sa kasalukuyan, mayruon nang 90,000 dislikes at 1,000 likes ang nasabing music video na naka-upload sa youtube na mayruong 300,000 views.
Bagama’t may magandang layunin ang nasabing music video, tila hindi ito naging maganda sa panlasa ng ilang mga nakapanood lalo’t may kinahaharap na sigalot ang dalawang bansa hinggil sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Una rito, naghain din ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China hinggil sa panunutok ng radar gun sa isang barko ng Philippine Navy at pag-aangkin sa isang islang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa nasabing karagatan.