Inihatid na ng Philippine Army sa huling hantungan si Cpl. Winston Ragos, ang retiradong sundalo na nabaril at napatay ng isang pulis sa quarantine checkpoint sa Quezon City kamakailan.
Ayon kay Army Spokesman Col. Ramon Zagala, dalawang araw lang nabigyan ng burol si Ragos alinsunod na rin sa guidelines na inilatag ng Department of Health (DOH).
12:00 kaninang tanghali, binigyan ng Heroe’s Burial si Ragos alinsunod na rin sa tradisyon ng Armed Forces of the Philippines para sa mga yumao nilang sundalo.
Kagabi binigyan ng full military honors sa Libingan ng mga Bayani bilang pagkilala sa naging ambag nito sa bansa sa pagbabantay at pagtatanggol sa sambayanan mula sa mga kalaban ng estado.
Si Ragos ay 7 taon ding nagsilbi sa Philippine Army na nakipaglaban sa mga rebelde at bandido subalit ginupo ng post-traumatic stress disorder (PTSD) kaya’t napilitan na itong magretiro sa serbisyo.
Gayunman, sinabi ni Zagala na wala namang magbabago sa kanilang relasyon sa Philippine National Police (PNP) na kanila namang inaalalayan sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).