Nakatakdang isailalim sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test ng bureau of immigration (BI) ang kanilang mga empleyado na posibleng na-expose sa novel coronavirus habang ginagampanan ang kanilang mga trabaho.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, bahagi ito ng hakbang ng ahensiya para makatulong din sa laban kontra sa pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Morente, kanilang gagamitin sa pagsasagawa ng COVID-19 test ang natanggap nilang donasyon ng 500 rapid test kits mula sa China.
Dagdag ni Morento, para matiyak na rin ang kaligtasan ng mga kawani ng ahensya, bumili sila ng iba pang mga medical supplies tulad ng mga personal protective equipment (PPE) na sasapat hanggang sa Disyembre ng kasalukuyang taon.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 400 mga immigration officers ang nananatiling pumapasok sa trabaho para umasiste at magproseso sa mga inililikas na mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).