Iginiit ng grupong Playgirls na wala silang ginawang masama sa kontrobersyal nilang performance sa birthday party ni Liberal Party member at Laguna 4th District Rep. Benjie Agarao.
Ayon kay Michael Tupaz, manager ng the Playgirls, nag-sayaw lang naman ang grupo bilang bahagi ng kanilang pag-e-entertain at wala namang masama sa performance.
Nagpasalamat din si Tupaz kay dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada at Agarao sa pagsasabing walang malisyoso sa kanilang performance.
Inulan ng batikos ang Playgirls nang i-post sa facebook ang pagkubabaw ng isa sa kanilang miyembro sa kongresista sa gitna ng entablado habang pinanood ng maraming tao na karamiha’y miyembro ng LP.
Sinasabing pinapunta ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino ang grupo bilang regalo sa kaarawan ni Agarao subalit itinanggi na ito ni Tolentino.
By: Drew Nacino