Isinasailalim na sa clinical study ang nasa anim na posibleng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay World Health Organization (WHO) Acting Country Representative Socorro Escalante, patuloy nilang inaanyayahan ang mga siyentipiko, eksperto at iba’t ibang mga institusyon sa buong mundo na makibahagi sa mga pagsisikap para makabuo ng bakuna laban sa COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Escalante na posibleng isa hanggang isa’t kalahating taon pa rin ang pinakamaikling panahon na aabutin bago tuluyang makabuo at maipalabas sa publiko ang naturang bakuna.
Paliwanag ni Escalante, sadyang matagal ang proseso para sa paggawa ng bakuna dahil inaabot na ng hanggang anim na buwan ang pag-aaral at pagbuo sa isang potensiyal na bakuna.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni Escalante ng Food and Drug Adminsitration (FDA) na simulan na ang maagang paghahanda para sa ipatutupad na proseso ng evaluation at pagpaparehistro sa mabubuong bakuna laban sa COVID-19.