Hiniling ng 15 senador ang pagrepaso sa umiiral na patakaran hinggil sa pagsasagawa nila ng mga session.
Sa inihaing Resolution 372 sa Senado, kanilang binigyang diin ang pagpapalawig sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at ilang mga probinsiya na posibleng makaapekto sa pagdalo sa sesyon ng mga senador.
Iginiit din nila na hindi rin dapat mahadlangan ng ECQ ang mandato ng kongreso na gumawa ng mga batas at magsagawa ng mga pagdinig.
Dahil dito, isinusulong ng mga senador na mapayagan ang pagsasagawa ng mga pulong at pagdinig ng komite sa pamamagitan ng teleconference, video conference o iba pang remote at electronic na pamamaraan.
Gayundin ang pagpapaliban sa mga session sa mga panahon ng mga emergency na magiging dahilan para hindi makadalo ng personal sa mga meeting o pagdinig ang mga senador.
Kabilang sa mga lumagda sa nabanggit na resolusyon sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Sonny Angara, Nancy Binay, Pia Cayetano, Lito Lapid, Imee Marcos, Manny Pacquiao, Grace Poe, Bong Revilla, Joel Villanueva at Cynthia Villar.