Inilatag na ng iba’t-ibang labor groups ang ikakasa nitong ‘labor day protest’ sa harap ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Sa pahayag ng Kilusang Mayo Uno, sinabi nito na hindi nakikita ng kanilang grupo ang pagpupursigi ng pamahalaan na bigyang pansin ang mga pangangailan ng manggagawang nawalan ng trabaho bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis.
Dagdag pa nito, sa 2-milyong manggagawang naghihirap, tanging nasa 300,000 manggagawa lamang ang umano’y nabigyan ng ayuda ng pamahalaan.
Panawagan nila, dagdagan ang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Kaugnay nito, sinabi naman ng isang labor coalition na Nagkaisa, ibang estilo ang kanilang gagawin sa harap ng mahigipit na ipinatutupad na physical distancing at pagbabawal sa mga mass gathering.
Anila, mangangalampag ng tulong ang grupo mula online habang magsasagawa naman ng ‘noise barrage’ ang mga miyembro nito sa kani-kanilang mga bahay.
Samantala, dagdag pa ng mga labor groups, bukod anila sa karapatan ng mga manggagawa ng iba’t-ibang sektor, kakalampagin din nila ang pamahalaan at igigiit na isulong ang anila’y ‘solusyong medikal at hindi militar’.