Inamin ng Department of Health (DOH) na malabo nilang maabot ang 8,000 coronavirus disease 2019 (COVID-19) tests kada araw pagsapit ng April 30.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakaapekto rito ang pagbagal ng operasyon ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) matapos magpositibo sa COVID-19 ang 40 sa kanilang mga tauhan.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na ipagpapatuloy nilang maabot ang target na bilang ng araw-araw na masusuri sa COVID-19.
Malaking tulong anya ang pagdating ng GeneXpert Cartridges para mapalakas ang local testing capacity at pagdoble ng RITM sa kanilang operating time gayundin ang iba pang subnational laboratories.
Hanggang nitong April 27, nasa mahigit 85,000 na ang sumailalim sa COVID-19 tests ng DOH.