Pinapanagot ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang mga empleyado nito na lumabag sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) at mga nakagawa ng karahasan at iba pa.
Ayon kay MMDA chairman Danilo Lim, seryoso aniya siya sa utos na pagpataw ng parusang administratibo at ilan pang hakbang para matuwid ang mga tauhan nito sa ahensya, na mapapatunayang hindi sumunod sa mga inilatag na protocols para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasama sa mga nasampolan sina Traffic Aide 3 Enrico Garcia; Traffic Aide 3 Angelito Diendo Jr.; at Traffic Aide 1 Dominic Acunin na pawang lumabag sa “no backride policy”.
Ang tatlong traffic personnel ay binigyan ng violation ticket na nagkakahalaga ng P5,000 at 30-day preventive suspension.
Bukod pa riyan, sinibak naman sa pwesto si Traffic Aide 1 Roel Gatos, makaraang magreklamo ang kinakasama nito ng physical abuse sa kanya at sa kanilang mga anak na pawang mga menor-de-edad.
Samantala, nanawagan si MMDA chairman Danilo Lim sa publiko na i-ulat ang mga tauhan nito at mga frontliners na lumalabag sa quarantine protocols na ipinatutupad bilang pag-iingat kontra COVID-19 pandemic.