Tinatayang walong milyong pamilya ang hindi pa umano nabibigyan ng tulong sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.
Sa virtual meeting ng Defeat coronavirus disease 2019 (COVID-19) Committee ng Kamara, isiniwalat ni DSWD Sec. Rolando Bautista na nasa 10.1-M households pa lang mula sa target na 18-M pamilya ang nakatanggap ng ayuda.
Sinasabing mula nitong Abril 30, nasa P53.8-B ng first tranche mula sa P100-B na ayuda ang naipamahagi pa lamang sa mga beneficiaries.
Kasama sa mga nakatanggap ng alokasyon ay ang 85% ng 4Ps, 45% ng target TNVS at PUV beneficiaries, at 47% ng non-4Ps na mula sa low-income families.
Hindi naman ipinaliwanag ng DSWD kung bakit hindi nakumpleto ang pamumudmod ng first tranche ng financial aid gayung Abril 17 pa na-i-release ng Budget Department ang nasa P196-B na pondo ng SAP.
Samantala, inaasahang ipapamahagi na ang 2nd tranche ng P100-B ng SAP para sa mga target beneficiaries ngayong Mayo. —Ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)