Balak bumili ng Philippine National Police (PNP) ng mga stun gun o taser para sa mga pasaway na lumalabag sa enhanced community quarantine (ECQ) at pilit na lumalaban sa mga awtoridad.
Ito ang tugon ng PNP sa gitna na rin ng mga puna at batikos hinggil sa mga umano’y paglabag nito sa karapatang pantao sa pagtugon sa pandemya ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, nasa proseso na ng evaluation ang PNP Directorate for Logistics para sa pagbili ng mga nasabing kagamitan.
Maliban dito, may inilatag na ring plano ang PNP hinggil sa mga pagbabago sa seguridad lalo na sa ilang mga lugar na nakasailalim na ngayon sa general community quarantine (GCQ).
Pero kahit pa may kaunting pagluluwag sa mga ipinagbabawal sa GCQ, binigyang diin ni Gamboa na kailangan pa ring pairalin ang quarantine protocols tulad ng physical distancing, proper hygiene at palagiang pagsusuot ng facemask.