Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) hanggang kahapon, Mayo 1, umakyat na sa 8,772 ang bilang mga tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 284 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na 24 oras.
Nasa 11 naman ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi kaya’t pumalo na ito sa 579.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na 49 naman ang naitalang bilang ng mga gumaling o recoveries kaya’t umakyat na rin ang bilang nito sa 1,084.
Dagdag pa ni Vergeire, karamihan aniya sa mga naitalang bagong kaso o katumbas ng 87% ay nagmula sa Metro Manila at barangay Kalunasan sa Cebu City.
Dahil dito, tiniyak ni Vergeire na puspusan na ang ginagawang hakbang ng DOH upang pigilan ang pagkalat ng virus sa mga nabanggit na lugar.