Iginiit ng grupong Laban Konsyumer Inc. na hindi dapat nagpapatupad ng taas presyo ang mga kumpaniya ng langis sa kanilang mga produkto ngayong may krisis sa bansa dahil sa COVID-19.
Ito’y makaraang ilarga ng mga oil companies ang mahigit P5 umento sa kada kilo ng kanilang liquified petroleum gas (LPG) sa pagpasok ng buwan ng Mayo.
Ayon kay Laban Konsyumer Convenor Atty. Vic Dimagiba, labag aniya ang pagpapatupad ng umento sa presyo ng mga produkto kabilang na ang lpg sa probisyon ng Bayanihan To Heal As One Act.
Dahil dito, nagbanta si Dimagiba na posibleng mapatawan ng P1-M multa ang mga kumpaniya ng langis dahil sa kanilang paglabag sa nabanggit na probisyon.
Kahapon, nagpatupad na ang mga kumpaniyang Phoenix Petroleum, Petron at Shell ng P5 at 80 sentimos na umento sa kada kilo ng tangke ng LPG.
Habang P3.20 sentimos naman ang itinaas sa kada litro naman ng auto LPG ng mga nabanggit na kumpaniya.
Paliwanag naman ng Department of Energy (DOE), napaso na ang 15 araw na price freeze noon pang Abril 14 matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of public health emergency kaya’t pinayagan na nila ang pagtataas sa presyo ng LPG.