Isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) na maisama bilang benepisyaryo ng economic stimulus package ng pamahalaan ang mga drivers at operators ng mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr., isinumite na nila ang nabanggit na panukala sa House of Representatives at hinihintay na lamang ang desisyon dito.
Layunin aniya nitong mabigyan ng ayuda ang mga drivers at operators na maaapektuhan ng pagkakaroon ng limitasyon sa kapasidad ng mga pampublikong transportasyon oras na ipatupad na ang general community quarantine (GCQ).
Sinabi ni Tuazon, nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga drivers at operators gayundin ang pagsuspinde sa pagpapataw ng interes sa kanilang mga loan.
Batay sa ipinalabas na guidelines ng DOTr, oras na maipatupad na ang GCQ o tinatawag na “new normal”, hindi papayagan ang full operation ng lahat ng uri ng pampublikong transportasyon para matiyak ang social distancing sa mga pasahero.