Nanindigan si Justice Secretary Menardo Guevarra sa kanyang naunang pahayag na maaari pa ring mag-operate ang ABS-CBN network kahit mapaso na ang prangkisa nito.
Ayon kay Guevarra, may sapat na batayan para payagan ang nabanggit na network na magpatuloy na operasyon nito.
Iginiit ni Guevarra, isinasaad sa batas na kinakailangang mapagkalooban muna ng prangkisa ang isang broadcasting station bago magkapag-operate.
Gayunman, wala naman aniyang isinasaad sa batas hinggil sa operasyon ng isang TV at radio network na nagbigyan na dati ng prangkisa at nakabinbin pa sa kongreso ang aplikasyon nito para sa franchise renewal.
Dagdag ng kalihim, may ilang katulad na sitwasyon na rin noon na pinayagan ng kongreso ang patuloy na operasyon ng isang network nang hindi inaatasan ang NTC na magbigay ng provisional permit.
Ngayong araw, Mayo 4, mapapaso ang prangkisa ng ABS-CBN habang wala pang desisyon ang kongreso hinggil sa inihain nitong franchise renewal bill.