Nakadepende sa National Telecommunications Commission (NTC) ang patuloy na operasyon ng ABS-CBN.
Binigyang diin ito ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos bantaan ni Solicitor General Jose Calida ang NTC na mahaharap sa graft charges ang mga opisyal nito kapag pinayagan ang ABS-CBN na makapag-operate kahit expired na ang prangkisa nito.
Ayon kay Roque ang solicitor general ay alter ego ng Pangulong Duterte at sumulat na ito sa NTC kaya’t hintayin na lamang ang sagot dito ng NTC at anumang desisyon nito ay siyang ipatutupad ng Pangulo.
Labing isang panukala hinggil sa pagre-renew ng prangkisa ng ABS-CBN ang naisampa na sa house committee on legislative franchises simula pa noong August 2019 at isang beses pa lamang nagsagawa ng hearing ang komite sa usapin.
Hanggang ngayong araw na ito na lamang epektibo ang prangkisa ng Kapamilya network.