Kinontra ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pahayag ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na maaaring maging batayan sa pagdedeklara ng batas militar ang “invasion” ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Guevarra, sa konteksto ng martial law, nangangahulugan ang “invasion” bilang pananakop ng isang dayuhang militar sa Pilipinas.
Kahalintulad din aniya ito ng ibang pang batayan sa pagdedeklara ng martial law tulad ng rebelyon o armadong pag-aaklas laban sa pamahalaan ng mga mamamayan.
Binigyang diin ni Guevarra, kapwa tinutukoy ng mga ito ang pagkilos ng mga tao laban sa pamahalaan at hindi ng mga walang buhay tulad ng virus.
Una rito ,sinabi ni Panelo na maaaring magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa panganib na dulot ng COVID-19.