Maituturing umanong banta sa malayang pamamahayag sa bansa ang ginawang pagpapasara ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN.
Ito ang inihayag ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).
Ayon sa FOCAP, itinaon pa nila ito kung kailan kailangan ngayon ng publiko na marinig o malaman ang mahahalagang impormasyon at balita kaugnay sa nangyayari sa paligid sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dagdag pa ng FOCAP, ang naging desisyon ng NTC ay taliwas sa naging pagtitiyak ng mga mambabatas maging ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsasabing maaaring magpalabas ng NTC ng provisional authority para makapagpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN.