Kasalukuyang pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagrepaso sa ilang infrastructure projects na nasa ilalim ng Build, Build, Build program ng administrasyon.
Ayon kay Presidential Adviser for Flagship Programs And Projects Secretary Vince Dizon, malalaman sa mga susunod na araw listahan ng mga proyektong pang-imprastraktura na magiging prayoridad ng pamahalaan.
Gayundin aniya ang mga proyektong kailangan pabilisin at pansamantalang isantabi o palitan habang dumaranas ng problema sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bansa.
Sinabi ni Dizon, isa sa mga kailangan dagdagan sa ngayon ay ang mga proyekto para sa pagpapalakas ng healthcare infrastructure.
Dagdag ni Dizon, sakaling payagan na ng IATF ang pagbabalik ng mga konstruksyon, uunahin at mamadaliing tapusin agad ang mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa kasabay pa rin pagtiyak sa umiiral na health standards sa mga manggagawa.