Patuloy na nanawagan ang pamahalaan ng mga volunteers para sa iba’t ibang mga itinayong coronavirus disease 2019 (COVID-19) swabbing centers sa buong bansa.
Ayon kay National Task Force against coronavirus disease 2019 (COVID-19) Deputy Chief Implementer Vince Dizon, nasa pitong daang empleyado na mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang nag-volunteer bilang encoder at barcoder sa mg swabbing centers.
Kasunod aniya ito ng ipinalabas na direktiba ni Executive Secretary Salvador Medialdea kung saan inaatasan ang bawat cabinet secretary na magsumite ng listahan ng hindi bababa sa isang daang personnel na itatalaga sa mga swabbing centers.
Sinabi ni dizon, makatataggap ng sapat na kompensasyon at hazard pay sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act ang mga magboboluntaryo.
Tiniyak din ni Dizon na makatatanggap ang mga ito ng angkop na training, protective medical equipment, pagkain, accomodation at transportasyon.
Kasabay nito nanawagan si Dizon sa mga kabalikat ng pamahalaan sa pribadong sektor, nursing at medical students na magvolunteer din sa mga itinayong COVID-19 swabbing centers.