Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) nang maka-engkuwentro ang mga pulis sa bayan ng Bulan sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon kay Police Regional Office 5 Spokesperson P/Maj. Malou Calubaquib, nangyari ang sagupaan sa bahagi ng barangay Dolos dakong ala singko y medya, Biyernes ng umaga.
Nakuha mula sa dalawang napatay na rebelde ang limang mahahabang klase ng armas, mga bala at ilang subersibong mga dokumento.
Matapos ang engkwetro, agad inalerto ang iba pang himpilan ng pulisya sa mga karatig lalawigan kung saan, nagkasa ang mga ito ng checkpoint upang madaling masukol ang iba pang kasamahan ng dalawang napatay na rebelde.
Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa mga npa na sumuko na lamang at magbalik loob sa pamahalaan sa ilalim ng e-clip program upang makapamuhay na mula sa isang malayang lipunan.