Pinagpapaliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno ang may 46 na kapitan ng barangay sa nabanggit na lungsod.
Ito’y makaraang ireklamo ang mga nasabing barangay chairmen dahil sa anomalya sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Yorme Isko, nakatanggap siya ng sumbong mula sa mga residente ng barangay 61 na itinago raw ng kanilang chairman na si Edgardo Fojas ang ayudang spaghetti at sauce bago ang i-lockdown ang Tondo noong Mayo 3.
Nabisto umano ang pagtatago ng mga spaghetti sauce at noodles sa social media post ng isang concerned citizen nang maispatan umano nito ang post din ng mismong barangay na nagpapakita sa mga nawawalang produkto.
Pero depensa ni Fojas, sadyang kinulang umano ang mga dumating na food packs partkular na ng bigas at spaghetti sa kanila mula city hall na para lamang sa halos 600 pamilya lamang gayong mahigit na 800 pamilya mayroon sa kanilang barangay.
Kaya naman nagpalabas ng resolusyon ang barangay council na hatiin na lamang ang bawat set ng spaghetti noodles at sauce sa dalawang pamilya upang lahat ay makatanggap.