Nagpalabas ng panuntunan ang Archdiocese of Manila para sa mga mananampalatayang Katoliko kaugnay sa mga limitasyon sa gawaing pagsamba.
Ito’y sakaling lumipat na ang Metro Manila sa bagong normal at payagan na ang mga pagtitipon gayundin ang pagsamba sa mga pook dalanginan.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, naglatag na sila ng mga panuntunan upang tiyaking malalayo sa banta ng COVID-19 ang mga magsisimba.
Una, oobligahin na ang mga nagsisimba na magsuot ng facemask bago pumasok sa simbahan, mahigpit din na susundin ang physical distancing, babawasan din ang mga naglilingkod sa misa, pagbabawalan din muna ang choir at paiiralin din ang no contact policy.
Magiging tahimik na rin ang pamamahagi ng komunyon at hindi muna pagaganahin ang air conditioner sa mga simbahang mayroon nito, ipagbabawal na rin muna ang paglalagay ng holy water sa mga entrada ng simbahan at hindi muna maaaring hawakan ang imahe ng mga santo.
Nakasaad pa sa inilabas na panuntunan ang paglalaan ng tatlumpung minuto sa pagitan ng bawat misa upang magbigay daan sa disinfection at paglalaan ng tamang pasukan at labasan upang maiwasan ang salubungan.