Nasa Davao City na ang barko ng Philippine Navy na BRP Bacolod City para magdiskarga ng ilang mga personal protective equipment (PPE) sets at KN95 mask na binili ng pamahalaan sa China.
Ayon kay Philippine Navy Public Affairs Office Chief Lt. Commander Maria Christina Roxas, pinangunahan ni Naval Forces Eastern Mindanao Head Commodore Antonio Palces ang pagsalubong sa BRP Bacolod City na dumating sa Sasa Wharf kahapon.
Gayunman hindi na ito binigyan pa ng nakasanayang arrival ceremony ng Philippine Navy habang hindi pinapayagan ang pagbaba ng mga tripulante at opisyal na sakay ng barko o pagtanggap ng bisita sa loob nito.
Bago pa man dumating sa Davao City, tiniyak na ng bureau of quarantine na walang anumang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga miyembro ng Philippine Navy na sakay ng BRP Bacolod City.
Abril 21 nang lumayag ang BRP Bacolod City patungong Xiamen China para kunin ang batch ng nasa 200,000 PPE sets at 7,000 KN95 mask na binili ng Pilipinas sa China.
Samantala, kinansela na ang nakatakda sanang pagdaan ng BRP Bacolod City sa Cebu para magdiskarga ng mga PPE’s at sa halip ay dideretso na pabalik ng Sangley Point sa Cavite City.