Isinusulong ng mga alkalde sa Metro Manila na ilagay na lang sa mga piling lugar ang pagpapatupad pa rin ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Metro Manila Council Chair at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez matapos ang kanilang limang oras na pagpupulong nitong Sabado, Mayo 9.
Bagama’t pumabor na ang mga alkalde na huwag nang i-extend ang ECQ sa halip ay ilagay na ito sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, sinabi ni Olivarez na kailangan pa ring tutukan ang ilang mga lugar na kontaminado pa rin ng virus.
Sa darating na May 15 kung papayagan ng atin IATF ay maging GCQ na tayo pero provided meron kaming mga barangay na mag-ECQ pa, para kung sino na lamang yung may mga news cases na barangay para hindi naman yung total city ay mag-suffer sa ECQ, may portion na lang sa mga lugar ng bawat isa sa atin ay pwede nating i-lockdown para naman tumakbo yung ekonomiya sa atin at ma-maintain natin ang pagpa-plateau ng COVID patient all over the National Capital Region,” ani Olivarez.
Bagama’t mayroon nang pagbaba sa bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila batay na rin sa ulat ng Department of Health (DOH), binigyang diin naman ni Olivarez na hindi pa ito ang panahon upang magpaka-kampante ang lahat.
Kaya nga mako-contain lang natin ito sa pag-aaral natin base sa mga data’s kung anong barangay lang ang dapat bigyan ng ECQ o yung lockdown na kung tawagin para ma-control natin ang mga contagious at yung mga paghawa ng sakit sa mga komunidad kaya nga ang ginagawa natin ngayon ay tuloy-tuloy ang ating mass testing sa lahat ng aming barangay all over the city of Parañaque at ina-isolate natin basta makuha nating positive yun para maalis natin siya sa doon sa community,” ani Olivarez. — panayam mula sa Todong Nationwide Talakayan.