Hindi pa rin kontrolado ang transmission ng COVID-19 sa kabila ng mga pagbabago sa implementasyon ng community quarantine sa iba’t-ibang lugar.
Nilinaw ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kaya’t kailangang magpatupad ng minimum health standards bagamat mayroong ilang lugar na natukoy bilang low risk.
Sinabi ni Vergeire na ang adjustments ng ibang lugar mula enhanced community quarantine (ECQ) patungong general at modified ECQ ay mayroon pa ring kaakibat na panuntunan para matiyak na ligtas ang mga tao mula sa pagkalat ng sakit
Iniiwasan kasi aniya ng gobyerno ang sinasabing second wave o muling pagbulusok ng mga tinamaan ng COVID-19.
Kabilang sa tinutukoy na minimum health standards ng DOH ang pagpapalakas ng resistensya tulad ng malusog na pisikal at mental na katawan, pagpapababa ng transmission sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay, cough etiquette, pag-disinfect ng paligid, pagbabawas ng contact tulad ng social distancing at pagpapababa ng infection sa pamamagitan ng isolation at pag-gamot sa mga tatamaan ng sakit.