Tuloy ang suspensyon ng mga biyahe ng ilang local airlines hanggang May 31 dahil sa patuloy na pag-iral ng modified enhanced community quarantine sa metro manila.
Ayon sa Cebu Pacific suspendido pa rin ang lahat ng kanilang domestic at international flights hanggang sa katapusan ng buwan samantalang suspendido rin ang domestic flights ng Skyjet Airlines.
Sinabi ng Cebu Pac na ang mga apektadong pasahero ay maaaring magpa-rebook ng flight ng walang charge, maaaring ilagay sa travel fund ang halaga ng ticket o kaya naman ay i-refund.
Ang mga customer anilang may naka-book na flights sa pagitan ng June 1 hanggang September 30 at puwede na ring magpa palit ng travel dates.
Samantala ipinabatid naman ng Philippine Airlines na kanselado pa rin ang mga biyahe nila patungo at mula sa Maynila, Cebu at Clark hanggang May 31.
Gayunman inihayag ng PAL na ini-evaluate pa nila ang posibilidad nang pagbiyahe sa labas ng bansa o domestic flight papunta at mula sa Davao sa pakikipag ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Sinabi pa ng PAL na plano nitong mag-operate ng kakaunting lingguhang flight sa maraming domestic route at ilang piling international route simula sa June 1 bagamat isinasapinal pa nila ang mga ito.