Pormal nang ipinagharap ng reklamo ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Mgen. Debold Sinas at mga tauhan nito.
May kaugnayan ito sa mga naging paglabag umano ng grupo ni Sinas sa ipinatutupad na mga panuntunan sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) matapos ang ginawang pa-mañanita para kay Sinas sa kaarawan nito noong Mayo 8.
Pinangunahan ng IAS at ng PNP intelligence service ang paghahain ng reklamo laban kay Sinas at iba pang opisyal ng NCRPO sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Maliban kay Sinas, inireklamo rin ng IAS ang may 18 mga opisyal ng NCRPO tulad nila P/Bgen. Nolasco Bathan, P/Bgen. Florendo Quibuyen, P/Bgen. Florencio Ortilla, P/Bgen. Ildebrandi Usana, P/Bgen. Gerry Galvan na taga PNP-IAS din.
Kabilang din sa mga inireklamo ang 7 colonel kabilang na si southern Police District Acting Director Col. Emmanuel Peralta at Col. Remus Medina gayundin si Ltc. Orlando Carag, dalawang police major at isang corporal.
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Bernard Banac, mga paglabag sa Presidential Proclamation 922 o deklarasyon ng state of public health emergency, Republic Act 11469 o Bayanihan To Heal As One Act at Republic Act 1132 i-mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act ang isinampa laban sa mga nabanggit na opisyal.
Bukod pa riyan ang less neglect of duty at less grave misconduct at ang paglabag sa city ordinance ng Taguig o ang mandatory na pagsusuot ng facemask sa lungsod.
Magugunitang ibinabato sa nangyaring pa-mañanita ang mass gathering, kawalan ng social distancing at hindi pagsusuot ng facemask na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng protocols sa ECQ.