Tatlong Abu Sayyaf ang patay habang limang sundalo naman ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na engkuwentro sa Sulu.
Batay sa ulat ng 21st Infantry Battalion ng Philippine Army, nangyari ang bakbakan sa sitio tubig paliya, Barangay Danag sa Bayan ng Patikul.
Ayon kay Lt/Col. Gerald Monfort, Commander ng naturang army unit, binabarikadahan ng kaniyang tropa ang lugar nang maka-engkuwentro nila ang nasa 20 bandido sa ilalim ng pamumuno ni Ellam Nasirin.
Tumagal ng ilang minuto ang unang bakbakan kung saan, tumakas ang mga bandido sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Matapos nito, may isa pang grupo ng mga bandido ang nakasagupa ng militar na tumagal ng isang oras kaya napatay ang tatlong bandido subalit isang bangkay lang ang nakuha ng militar.
Ayon naman kay Lt/Gen. Cirilito Sobejana, Commander Western Mindanao Command (WESMINCOM), lima sa mga sundalo ang nasugatan sa engkuwentro at ngayo’y nagpapagaling na sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo.