Nagdagdag pa ng safety protocol officers ang SM Supermalls upang paalalahanan ang mga customers sa mga panuntunang dapat sundin tulad ng social distancing.
Aminado si Bien Mateo, senior vice president for operations ng SM Supermalls na nagkaroon ng mga insidente na hindi nasunod ang social distancing sa unang araw ng kanilang operasyon.
Gayunman, maagap naman anya ang pagpapaalala ng mga safety protocol officers na agad namang sinusunod ng mga customers.
Posible anyang na-excite lamang ang mga customers na muling makapasok sa mall kaya’t panandaliang nakalimot sa protocols.
Una nang nagbanta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na muling ipasasara ang malls kapag nagpatuloy ang mga paglabag sa social distancing tulad ng mga nasa larawang kumalat sa social media.