Tila ginawang gatasan umano ni Clarita Avila ang National Center for Mental Health (NCMH) sa panahong siya pa ang Administrative Officer nito ng mahigit 30 taon.
Ito’y ayon sa pamunuan ng NCMH batay na rin sa datos kung saan, lumalabas na nakakuha ng mahigit P14-milyong Solar Street light project ang Octant Builders at isa si Avila sa incorporators nito.
Magugunita noong 2014, iba’t ibang construction projects ang pinasok ng NCMH sa panunungkulan ni Avila bilang Administrative Officer na naglakahalaga ng P189,700,000 kabilang na ang kontrobersyal na street light project.
Una rito, nakilala si Avila na tumayong whistleblower nang isiwalat nito ang kawalan umano ng malasakit ng NCMH dahil sa kakulangan ng Personal Protective Equipment (PPE) para sa mga frontliners nito.
Gayunman, napag-alamang mali ang mga paratang ni Avila at nabunyag na ginagamit lang nito ang usapin para pagtakpan ang patung-patong na reklamong inihain laban sa kanya.