Inaasahan na ng Department of Education (DepEd) ang posibleng migration o paglipat ng mga mag-aaral mula sa pribado patungo sa mga pampublikong paaralan dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon ito kay Education Secretary Leonor Briones na nagsabi pang bagamat taun-taon naman nila itong na o-obserbahan sa tuwing magbubukas ang school year, posibleng maging panibagong dahilan ang economic impact ng COVID-19 lalo na sa kinikita ng bawat pamilya.
Inihayag pa ni Briones na ganito rin ang obserbasyon ng Technical Working Group (TWG) ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung saan ang posibleng paglipat ng mga estudyante sa public schools ay dahil sa epekto ng krisis sa ekonomiya.
Ikukunsider aniya nila ang kapasidad ng mga pampublikong eskuwelahan para ma-absorb o tanggapin ang mga lilipat na estudyante.
Kaugnay nito, ipinabatid ni Undersecretary Annalyn Sevilla na hihintayin nila ang resulta ng survey na gagawin ng DepEd kasabay ng enrollment period sa susunod na buwan na pagbabasehan nila sa paggawa ng mga polisiya.