Tinatayang 97% nang tapos ang distribusyon ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.
Ito ang isinasaad sa ibinagay na ulat ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa pulong ng Inter-Agency Task Force kasama si Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
Ayon kay Año, kabilang sa mga maagang nakatapos sa pamamahagi ng SAP ang mga lokal na pamahalaan mula sa Regions 1, 5, 12 at Caraga.
Kaugnay nito, sinabi ni Año, nasa 48 mga Mayor ang kanyang pinagpapaliwanag dahil sa kabiguan ng mga itong matapos ang distribusyon sa itinakdang palugit.
Habang 183 barangay officials ang iniimbestigahan ng PNP CIDG dahil sa umano’y pagkasangkot sa anomalya sa pamamahagi ng SAP.
Dagdag ni Año, mayroon na rin silang 12 naisampang kaso at dalawang naaresto kaugnay sa anomalya sa distribusyon ng SAP.