Kasado na ang ipatutupad na calibrated lockdown ng Parañaque City government sa ilang lugar sa lungsod.
Epektibo mamayang 6:00 ng umaga hanggang 12:00 ng hatinggabi ng Sabado, May 23 ang calibrated lockdown ay iiral sa mga lugar ng Bagong Sikat, Bagong Lipunan, Bagong Pag-asa, Bagong Ilog, E. Rodriguez, Bagong Buhay, Bagong Silang, Dimasalang Extension, Mabuhay at Dose De Junio.
Sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na pansamantalang suspendido ang paggamit ng home quarantine pass hangga‘t umiiral ang lockdown at tanging frontliners lamang ang papayagang lumabas ng bahay.
Tiniyak din ni Olivarez na bibigyan ng pangunahing ayuda tulad ng pagkain at tubig ang kada apektadong bahay sa kasagsagan ng lockdown.
Kasabay nito magsasagawa rin aniya ng masusi at malawakang pagsusuri sa mga naturang lugar bukod pa sa total disinfection at flushing bukas, May 22.