Muling pag-aaralan ng pamahalaan ang ipinatutupad na polisiya para sa mandatory coronavirus disease 2019 (COVID-19) test at 14-day quarantine ng mga balik-bansang OFW’s.
Ito ang inihayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade, matapos matanong ni Senadora Grace Poe sa pagdinig ng senado hinggil sa ulat ng umano’y magulong proseso para sa mga baong dating na mga OFW’s sa paliparan.
Ayon kay Tugade, maituturing lamang na isolated case ang nakarating na reklamo sa senadora pero kanila pa rin itong sisilipin para mas maging maayos ang pagproseso sa mga balik-bansang OFW’s
Dagdag ni Tugade, nakikipag-ugnayan na rin siya sa mga ahensiya na humahawak sa mga ito para mas mabuti ang kanilang ipinatutupad na proseso kabilang na ang Inter-Agency Task Force (IATF), Bureau of Quarantine at OWWA.
Una rito, sinabi ni Poe na ilan sa mga natanggap niyang reklamo mula sa mga balik bansang OFW’s, ang kawalan ng point person na maaaring makausap para sa pagproseso ng COVID-19 test, impormasyon kung paano makararating sa mga quarantine facility at naantalang paglabas ng resulta ng test.