Nananatiling walang matibay na ebidensiya na magpapatunay na nakapanghahawa ang mga taong asymptomatic o mga positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pero hindi nakikitaan ng mga sintomas.
Ito ang iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III matapos tanungin sa pagdinig sa senado hinggil sa plano o ginagawang paraan ng ahensiya para matukoy ang mga asymptomatic na tinatawag ding “silent spreader” ng COVID-19.
Ayon kay Duque, maging ang World Health Organization (WHO) ay wala pang-ulat o nakakalap na ebidensiyang magpapakita na nakahahawa ang mga asymptomatic.
Aminado rin si Duque na sadyang mahirap na ma-detect o matukoy ang mga asymtomatic na carrier ng COVID-19.
Sa kasalukuyan aniya, kabilang ito sa mga iniatas na hanapin ng mga lokal na pamahalaan, municipal at city health officers gayundin ang pag-monitor sa mga may katulad ng influenza na sakit at severe acute respiratory infection.