Sinegundahan ng isang public health expert si Health Secretary Francisco Duque na nalampasan na ng Pilipinas ang first wave ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Dr. Susan Mercado, sa panayam ng DWIZ, ang first wave ay nangyari noong Enero nang magkaroon ng tatlong COVID-19 positive na ang pinagmulan ay mag-asawang Chinese national mula sa Wuhan, China.
Ang tatlong kasong iyon na anya ang first wave dahil nahinto na ang pagkalat ng virus at nasundan lamang ito noong Marso sa isang pagtitipon sa Greenhills kung saan ang unang nagpositibo ay wala namang travel history.
Kung entering third wave, ibig sabihin nyan –maraming lugar na zero [COVID-19 case], walang new cases, pero sa ibang lugar meron pa rin. Tapos meron pa rin from other areas na mahahawa nila ‘yung mga nasa lugar na zero, so, ‘yun po ang sinasabi nating may epigenetic link,” ani Mercado.
Binigyang diin ni Mercado na dapat nang tanggapin ng lahat na magiging bahagi na ng ating buhay ang COVID-19 tulad ng dengue at iba pang sakit na pabalik-balik lamang.
Kailangan nating isipin na ‘yang COVID, hindi po ‘yan mawawala. Hindi po natin ‘yan maze-zero dahil wala pong bakuna. Kailangan po nating tanggapin na katulad ng dengue, pabalik-balik po ‘yam, magkakaroon po ng outbreak, meron pong magkakasakit. So, kailangan mag-ingat po tayo kasi sa ngayon ang panlaban lang natin ay quarantine,” ani Mercado. —sa panayam ng Ratsada Balita