Hindi aalisin sa mga barangay officials ang tungkulin sa pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa social amelioration program (SAP).
Ito ang inihayag ng Malakanyang sa kabila nang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kunin na ang serbisyo ng mga sundalo at pulis sa distribusyon ng SAP.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pangungunahan pa rin ng mga barangay officials ang pamimigay ng pinansyal na ayuda dahil sila pa rin ang mas nakakakilala sa kanilang mga nasasakupan.
Gayunman, sinabi ni Roque na naniniwala ang Pangulo na mas mapapabilis ang proseso ng distribusyon kung tutulong na ang mga sundalo at pulis.
Maliban dito, mapipigilan din ng presensiya ng mga security forces ng pamahalaan ang mga posibilidad ng pambubulsa ng pondo ng mga tiwaling opisyal ng barangay.
Una nang sinabi ni Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista na nakikipag-ugnayan na sila sa AFP at PNP hinggil sa pagkuha sa serbisyo ng mga sundalo at pulis para sa pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng SAP.