Nakahanda ang senate committee on health and demography na imbestigahan ang umano’y overpricing sa mga biniling medical supplies ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Senador Christopher Bong Go, chairman ng komite, mahalaga ang bawat piso sa kasalukuyang panahon ng krisis kaya hindi dapat pahintulutan ang anumang uri ng kurapsyon at abusadong business practices.
Iginiit ni Go, hindi dapat payagang makalusot ang mga nagsasamantala at umaabuso sa gitna ng pandemiya.
Maliban dito, sinabi ni Go na kanilang ring bubusisiin ang mataas na coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing package na sasagutin ng PhilHealth para matiyak na ang pinaka-makatuwirang presyo lamang ang babayaran ng pamahalaan.
Una nang lumabas ang isyu sa umano’y dobleng presyo ng mga biniling personal protective equipment, swabbing system at makina para sa COVID-19 testing ng DOH gayundin ang mahigit P8,000 sinasagot ng PhilHealth para sa COVID-19 test.