Ilang senador ang nanawagan sa gobyerno para bigyang pansin ang pangangailangan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, dapat ay tiyaking mabibigyan ng pangkabuhayan package ang mga OFW na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa krisis bunsod ng pagkalat ng nasabing sakit.
Mahalaga rin aniya na mag-alok ang gobyerno ng mga retraining programs sa mga OFW para magkaroon ang mga ito ng bagong kaalaman na maaari nilang magamit paghahanap ng ibang trabaho o pagkakakitaan.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat maging convenient ang pagbabalik ng mga OFW sa bansa sa pamamagitan ng pagbubukas ng maraming repatriation flights at maayos na quarantine facility.
Ani Recto napakalaki ng tulong ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa kaya karapat dapat lamang na sila ay bigyan ng “red carpet welcome” sa kanilang pagbabalik.